MALAGANAP ANG PANINIWALA na ang lahat ng relihiyon ay pare-parehong sa Diyos. Dahil dito, ang marami ay hindi na nagsipagsuri sa relihiyong kanilang kinaaaniban. Iminamatuwid nila na nagsasagawa na sila ng pagsamba at paglilingkod sa Diyos. Nagtataka pa nga ang iba kapag sinasabi ng Iglesia Ni Cristo na dapat suriin ng tao ang kaniyang kinabibilangang relihiyon kung ito ay sa Diyos. Bakit nga ba magsusuri pa kung lahat naman ng relihiyon ay sa Diyos na? Ito ay dahil itinuturo ng Biblia na hindi totoo na lahat ng relihiyon ay sa Diyos. Pag-aralan natin.
“Si Haring Nabucodonosor ay nagpagawa ng rebultong gintong siyamnapung talampakan ang taas at siyam naman ang lapad. Nang mayari, ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura, Babilonia. Pagkatapos, ipinatawag niya ang mga gobernador, katulong na gobernador, komisyonado, ingat-yaman, hukom, at iba pang pinunong bayan, para sa pagtatalaga sa nasabing rebulto. Nang nasa harap na sila ng rebulto, malakas na ipinahayag ng tagapagbalita: ‘Iniuutos sa lahat ng tao, mula sa alinmang bansa at wika, na magpatirapa at sumamba sa rebultong ito sa sandaling marinig ang tunog ng tambuli, plauta, kudyapi, alpa, at iba pang instrumento ng musika. Sinumang hindi sumunod sa utos na ito ay ihahagis sa naglalagablab na pugon.’ Nang tumunog nga ang mga instrumento, lahat ng nakarinig nito ay nagpatirapa at sumamba sa rebultong ginto na ipinagawa ni Haring Nabucodonosor.” (Dan. 3:1–7 Magandang Balita Biblia)
Si Nabucodonosor, isang pagano na naging hari sa Babilonia, ay nag-utos sa lahat ng tao na magpatirapa at sumamba sa ipinagawa niyang rebultong ginto sa sandaling marinig ang tunog ng iba’t ibang instrumento ng musika. Ang babala sa hindi sasamba sa rebulto: ihahagis sa naglalagablab na pugon.
Subalit, ang tatlong Hebreo na sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay buong giting na nanindigang hindi sundin ang utos na iyon. Nagalit si Nabucodonosor at binantaan silang ihahagis sa pugon. Ngunit, kahit naharap sa panganib at nabingit sa kamatayan, nanindigan pa rin ang tatlong Hebreo, o Israelita, na hindi sumamba sa rebulto (Dan. 3:12–15 mb). Ang sagot nila sa hari:
“Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa pugong iyon at sa inyong kapangyarihan. At kung hindi man niya gawin ito, hindi pa rin kami sasamba sa rebultong ipinagawa ninyo.” (Dan. 3:17–18 mb)
Ang relihiyon ng mga pagano ay sumasamba sa mga rebulto at hindi sa tunay na Diyos. Kung tinatanggap din ng Diyos ang pagsambang ginagawa ng mga pagano, dapat sana ay sumunod ang tatlong Hebreo sa ipinag-utos ng hari ng Babilonia.
Samakatuwid, kapag ang isang relihiyon ay nag-uutos na sumamba sa larawan at sa rebulto, ang gayon ay hindi tunay na relihiyong sa Diyos.
“Dahil sa pananalig sa Diyos, tumanggi si Moises, nang siya’y may sapat na gulang na, na tawaging anak ng prinsesa, na anak ng Faraon. Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng panandaliang aliw na dulot ng kasalanan. Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagbabata ng kadustaan dahil sa Mesias kaysa mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakapako ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap. Ang pananalig din sa Diyos ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto kahit magalit ang hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakikita ang Diyos.” (Heb. 11:24–27 mb)
Si Propeta Moises ay lumaki sa kaharian ng Egipto kaya ang kinagisnan niyang relihiyon ay ang relihiyon ng mga Egipcio. Subalit, nang siya ay may sapat na gulang na, iniwan niya ang palasyo at sumama sa bayang Israel na kumikilala at sumasamba sa iisang tunay na Diyos.
Samakatuwid, kung totoong sa Diyos ang lahat ng relihiyon ay hindi na sana iniwan ni Moises ang palasyo. Iniwan niya ang pagsamba sa mga rebulto dahil ito ay pagsambang pagano.
Inibig pa niya na magtiis ng kaapihan at kadustaang dinaranas noon ng bayang Israel dahil sinampalatayanan niya na ito lamang ang bayan ng Diyos noon.
May kinalaman ba sa relihiyon ang pagiging kabilang o kasama sa Israel noon? Mayroon. Ito ay dahil ang Israel lamang ang may Diyos noon gaya ng mababasa sa II Hari 5:15:
“At siya’y bumalik sa lalake ng Dios, siya at ang buong pulutong niya, at naparoon, at tumayo sa harap niya: at siya’y nagsabi, Narito ngayon, aking talastas na walang Dios sa buong lupa, kundi sa Israel: isinasamo ko ngayon sa iyo na tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.”
Marami na ring mga bayan o bansa ang nakatatag noon, at mayroon din silang kani-kaniyang relihiyon o isinasagawang pagsamba at paglilingkod sa Diyos. Subalit, sinasabi ba ng Biblia na ang lahat ng iyon ay pare-parehong sa Diyos? Hindi. Ang sabi ng Biblia, “walang Dios sa buong lupa, kundi sa Israel.” Dahil sa ang Israel lamang ang may tunay na Diyos, sila lamang noon ang may karapatan na magsagawa ng tunay na pagsamba. Ayon sa Biblia:
“Sila’y mga Israelita at itinuring ng Diyos na mga anak niya. Nakita nila ang maliwanag na tanda na nagpapakilalang siya’y kasama nila. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang mga pangako.” (Roma 9:4 mb)
Dahil dito, lahat ng hindi kabilang sa bayang Israel noon ay hindi tunay ang isinasagawang pagsamba. Kaya labag sa patakaran ng Diyos mula pa noong una ang paniniwala na pare-parehong sa Diyos ang lahat ng relihiyon.
“Alam ninyo ang buhay ko noong nasa relihiyon pa ako ng mga Judio—kung paanong labis kong pinag-usig ang mga Cristiano. Sinikap kong lipulin silang lahat. Sa mga kasinggulang ko ay wala nang mas deboto pa sa akin sa aming relihiyon. Sinikap kong sundin nang ganap ang lahat ng matatandang kaugalian at alituntunin ng aking relihiyon.” (Gal. 1:13–14 Salita ng Buhay)
Sa pahayag ni Apostol Pablo, pinatutunayan niya na dati siyang kabilang sa relihiyon ng mga Judio. Pinatutunayan din niya na “wala nang mas deboto pa sa akin sa aming relihiyon.” Kaya, aktibo siya noon sa dati niyang relihiyon. Subalit hindi namalagi si Apostol Pablo sa Judaismo. Ganito ang kaniyang patotoo:
“Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka’t ako’y inari niyang tapat, na ako’y inilagay sa paglilingkod sa kaniya.” (I Tim. 1:12)
Pansinin nating bagaman dati nang may isinasagawang paglilingkod si Apostol Pablo sa dati niyang relihiyon, inilagay o tinawag pa rin siya ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo sa tunay na paglilingkod sa iisang tunay na Diyos, ang Ama (Juan 17:1, 3; I Cor. 8:6).
Sa Bagong Tipan ng Biblia, ang iisa, tunay, at natatanging Iglesia ay itinayo mismo ng ating Panginoong Jesucristo (Mat. 16:18). Tinawag ito sa pangalang Iglesia Ni Cristo (Roma 16:16 New Pilipino Version).
Ang Iglesia Ni Cristo ang tanging binili o tinubos ng mahalagang dugo ng ating Panginoong Jesucristo (Gawa 20:28 Lamsa Translation). Kaya, dito lamang matatagpuan ang kaligtasan (Gawa 4:12 Tagalog Topical Study Bible). At ipinag-utos ng Tagapagligtas na dito pumasok o umanib ang sinuman upang maligtas (Juan 10:7, 9 Revised English Bible).
Ang katotohanang ito na siyang kalooban ng Diyos ay itinuro rin ng mga apostol:
“Na nagpupuri sa Diyos, at nagtatamo ng lingap ng buong bayan. At idinaragdag ng Panginoon sa iglesia araw-araw yaong dapat maligtas.” (Gawa 2:47 King James Version) *
Samakatuwid, sa panahong Cristiano, ang tao ay kailangang ilagay o dalhin muna sa loob ng Iglesia Ni Cristo upang maisagawa ang tunay na paglilingkod sa Diyos at sa Panginoong Jesucristo. Ang mga nagsasabing hindi na raw kailangan ang Iglesia upang makapagsagawa ng paglilingkod sa Diyos ay dapat na magsuring mabuti. Kung pare-pareho lamang ang lahat ng relihiyon, bakit inilagay pa ng Diyos at ni Cristo sa loob ng Iglesia Ni Cristo si Apostol Pablo, gayong dati na siyang masigasig sa paglilingkod sa Diyos? Katulad din siya noon ng maraming tao ngayon na aktibo sa kani-kanilang kinabibilangang pangkating panrelihiyon.
Kung lahat lamang ay magsasalig ng pananampalataya sa Biblia, mauunawaan nilang may iisang tunay na relihiyong sa Diyos at kay Cristo na dapat nilang aniban—ang Iglesia Ni Cristo.
*Isinalin mula sa Ingles